ARAW NG PANGAKO (Outreach Program: Aetas of Sitio Banaba, Porac, Pampaga)

ANG ARAW NG PANGAKO
Sitio Banaba, May 1, 2015

NANGAKO kami na babalik  dala ang munting tulong mula sa mga miyembro ng ating Kooperatiba Tulong para sa mga Aeta ng Sitio Banaba ng Porac, Pampanga…

ANG PAGHAHANDA

Naging mahaba ang paghahanda at kinailangan naming makipag-ugnayan sa Philippine Army na walang pag-aalinlangang magpapadala ng tatlong 6X6 Army Trucks. May kasama rin kaming 17 sundalo upang aming maging gabay at makatulong na rin sa pagsasagawa ng mga pinaghandaan.

 

Nakipag-ugnayan rin kami kay Ret. Colonel Sam Sagun, Corporate Affairs Manager ng Lenioland na sa lugar nila sa Porac kami dadaan upang makarating sa Sitio Banaba. Naging kapaki-pakinabang ang aming usapan dahil nagbahagi siya kung ano ang kultura ng mga Aeta. Ito ay nakatulong para din makasiguro na ang aming mga salita at aksyon ay pawang maging katanggap-tanggap sa mga Aeta.

Nagtungo  rin kami sa Quiapo upang bumili ng Solar Panels at iba pang materyales. Nakahanda na ang mga sako-sakong bigas at iba pang pagkain. Gawa na rin ang basketball boards, hinihintay na lang naming ang Biyernes, ika-1 ng Mayo --- ng araw ng katuparan ng pangako  para sa mga Aeta.

3:00 AM ang call-time para mai-karga ang lahat ng dadalhin, 5:00 AM ang pull-out para maaga kaming makarating. Ma-trapik sa NLEX sa dami ng bakasyunista dahil sa long weekend;  matagtag ang pagsakay sa mga army trucks pero okey lang dahil alam naming kung saan kami patungo at kung sino ang naghihintay.


ANG MGA KAGANAPAN

9:00am na kami nakarating. Halatang galak na galak sila sa aming pagdating. Ang mga batang Aeta, nagpakulay pa ng mga buhok, ito raw ay tanda na masaya sila sa aming pagdating. Nagluto pa sila ng kamote. May mga pinitas din silang Camachile. Ipinag-init pa nila kami ng kape ng alas-dose ng tanghali. Kasabay nito ay ang ipamimigay namin ng aming mga pinaghandaang pasalubong para sa kanila – bigas, kape, tuyo, noodles, de lata, water container, asin, atbp.

Kasama si Ian Macalino na taga Porac.  Ikinabit na rin namin ang mga solar panels. Hindi namin naitayo ang mga bagong boards ng basketball kasi walang puno na pwedeng pagkabitan, sila nag raw ang bahala. May iniwan din kaming ilang bola ng basketball at radio.  

Ang mga batang Aeta, ipinagmalaki pa ang mga gawa nilang tirador na yari sa puno ng bayabas. Nagpahanga pa ang iba sa paggamit ng tirador at ipinakita ng mga batang Aeta kung gaano sila ka-asintado.

Naging maayos ang lahat, sumunod sila sa pila. May pila para sa mga kinatawan ng bawat pamilya at may pila rin para sa mga bata. Maingay, masaya, may kulitan pero walang nag-aagawan. "Fiesta" nga daw, kasi may dala pa kaming pananghalian para sa lahat ng 80 pamilyang aming pinangakuan.


ANG MGA PAMUKAW ISIP

Namangha ako sa lakas ng kanilang pangangatawan - mga babaeng nagbuhat ng 25 kilong bigas, bitbit ang mga iba pang grocery items habang may akay-akay pang paslit. May mga batang Aeta rin na hindi alintana ang bigat ng kanilang bubuhatin. Kita ko ang ngiti sa kanilang mga mukha dahil sa iuuwi nila sa kanilang pamilya.  Ang iba, mga 30 minutong lakad pa raw ang kailangan hanggang makarating sa kanilang kubo.

Bilang pasasalamat, binigyan pa kami ng isang buwig ng saging sa saba.

2:00 PM natapos ang lahat ng kaganapan at naghanda na kami sa aming pag uwi.  Umuwi ng magaan ang pakiramdam dahil nakatulong.  Sa huli, hindi mo kailangang maging mayaman o may kaya sa buhay para lang makatulong sa iba. Ang pagtulong ay maraming paraan.

 

 

Copyright GMA 7 Employees Multi-Purpose Cooperative